Monday, October 29, 2007

Sikyo

Sikyo

Paglaki sa probinsya ay sadyang nakakatuwa. Mabagal ang buhay, hindi mo kailangang magmadali at hindi harassed ang pakiramdam tulad ng sa Maynila. Iba talaga ang buhay ng mga bata sa probinsya. Iba rin ang mga larong alam namin noon sa Laguna.

Naaalala ko noon ng ako ay nagaaral pa lamang sa mababang paaralang central ng Alaminos. Malawak ang playground doon na berdeng berde ang kulay ng “grounds”. Naisip ko habang nasa klase at tumatanaw sa labas “ang sarap maghabulan mamayang hapon” umaga pa lang naisip ko na yayayain ko na mag-sikyo sina Myles, Romeo at Victor. Bigla na lang akong tinawag ni Ma’am dahil naka tunganga ako sa labas. Tapos hindi ko rin nasagot yung tanong dahil hindi ako nakikinig. Kitang kita rin kasi sa labas ng bintana ang bundok na may lumalabas na usok mula sa geothermal sa may Makban.

Dumating din ang hapon at naglaro na nga kami ng sikyo. Sobra sigawan ng mga kalaro ko habang nagpipilian kung sino ang kakampi. Nagpilian din kung kanino base itong puno ng banaba at kung kanino naman yung sa may gumamela. Magagaling sa sikyo ang mga kalaro ko. Ang bibilis tumakbo na halos malagot na ang mga tsinelas. Yung iba nga na ayaw mapudpod ang bago nilang tsinelas hawak sa kamay at braso sinuot ang mga ito habang tumatakbo. Tagaktak ang pawis namin.

Hindi na namin namalayan na halos kami na lang pala naglalaro. Pag-tanong namin ng oras (dahil wala pa akong relo noong ako ay grade 4 pa lang) nalaman namin “Ay naku alas 5 na! Patay tayo kay Lola pag uwi. Tyak palo ang aabutin ko” Kaya ayun dali dali akong nag ayos at pumunta sa abangan ng jeep para maka uwi na. Dahil barrio pa ang uuwian ko medyo madalang pa ang daan ng jeep lalo’t hapon na. Buti na lang at hindi ko naubos sa recess ang piso na binigay sa akin ni Lola noong umaga. Kaya nakasakay pa ako ng jeep. Pag nagkataon aabutin ako ng dilim sa daan paglalakad.

Abangan ang susunod na kabanata.

Sinulat ni:

Daisy
6:55 AM; October 23, 2007

***

Last week we had a storyteller's workshop and I wrote this piece for one of the exercises. Our trainer said that the best sharing and writings come from personal experience.

No comments: